Personal na tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdating ng “ginhawa” para sa mga motorista at consumers kasunod ng inanunsyong malakihang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na nakatakdang ipatupad sa susunod na linggo.
Sa isang pahayag, naging direkta ang utos ng Pangulo sa mga kumpanya ng langis na huwag nang patagalin ang pagpapatupad ng bawas-presyo.
“Ipatupad ninyo ang roll back nang buo, tama, at walang pag-antala. Ibigay ninyo sa taong bayan ang dapat naman na nasa kanila,” ani Marcos.
Inaasahan ang sumusunod na rollback kada litro:
- Diesel: P24.94
- Gasolina: P3.41
- Kerosene: P2.00
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na makipagtulungan sa Department of Energy (DOE) at isumbong ang anumang kumpanya na hindi susunod sa tamang presyuhan.
Bukod sa presyo ng langis, nagbigay rin ng direktiba ang Pangulo sa DOTr at LTO na palawigin ng tatlong buwan ang validity ng mga lisensya at rehistro ng sasakyan na nakatakdang mag-expire ngayong buwan.
Ayon kay PBBM, layunin nito na makatipid ang mga Pilipino sa multa at maiwasan ang pagsasayang ng oras sa mahabang pila.
Sa ilalim ng kautusang ito, ang mga dokumentong mag-e-expire ngayong Abril ay magiging valid hanggang Hulyo 2026 nang walang surcharge.
Tiniyak din ng administrasyong Marcos na hindi mapuputol ang suporta sa mga tsuper at operator.
Mananatili ang P10 fuel discount para sa mga PUV at bus, habang patuloy ang Service Contracting Program upang maibsan ang epekto ng nagdaang serye ng oil price hikes.
“Hindi tayo titigil, hindi tayo uurong, at hindi natin hahayaan na ang ginhawang ito ay hindi makarating sa taong bayan,” pagtatapos ng Pangulo.
