Muling naging maugong ang panawagan para sa pagtakbo ni Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo sa 2028 presidential elections matapos magpahayag ng suporta ang kilalang talent manager at showbiz insider na si Ogie Diaz.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, April 19, ibinahagi ni Diaz ang kanyang “Leni2028” sentiment. Kasama sa post ang larawan ni Robredo na sakay ng isang pink jeepney na may slogan na: “Gobyernong tapat ni Leni 2028 Angat Buhay Lahat.”
Nanindigan si Diaz, na naging aktibong supporter din noong 2022 ‘Leni-Kiko’ campaign, na sa kabila ng mga batikos at online attacks ay nananatili ang integridad ng dating bise presidente.
“Inookray ng mga troll na second taker sa bar exams, pero sila mismong naninira, ramdam nilang lawyer talaga na totoong may malasakit, hindi corrupt, maraming konkreto at malinaw na plano para sa bayan at taumbayan si Atty. Leni,” ani Diaz.
Ayon kay Diaz, ramdam niya ang pagdami ng mga naniniwala kay Robredo base na rin sa mga survey. Aniya, marami na ang “mulat” at hindi na muling pipikit pa sa usapin ng maayos na pamumuno.
Pinuri rin ng showbiz insider ang international recognition na natatanggap ni Robredo, kahit pa ito ay kasalukuyang naninilbihan na lamang bilang alkalde ng Naga.
“Grabe! Di na VP yan at Mayor lamang ng Naga City, pero iniimbita sa iba’t ibang bansa para ibida ang pagpapaunlad ng Naga,” dagdag pa ni Diaz.
Sa kabila ng mga panawagang ito, matatandaang ilang beses nang nagpahayag si Robredo na wala siyang plano na muling sumabak sa national elections sa 2028. Matapos ang kanyang pagkatalo noong 2022 sa tandem nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at VP Sara Duterte, mas pinili ni Robredo na pagtuunan ng pansin ang kanyang tungkulin sa lokal na pamahalaan at ang kanyang Angat Buhay NGO.
Gayunpaman, tila hindi nawawalan ng pag-asa ang mga tagasuporta gaya ni Diaz na magbabago pa ang ihip ng hangin sa darating na mga taon.
