Muling pinatunayan ni San Miguel Beermen center June Mar Fajardo ang kanyang estado bilang pinaka-dominanteng pwersa sa liga matapos hiranging “top candidate” para sa Best Player of the Conference (BPC) sa pagpasok ng semifinals ng PBA Season 50 Philippine Cup.
Nagposte ang nine-time MVP ng dambuhalang 45.4 statistical points (SPs) sa loob ng 12 laro. Pinangunahan ni Fajardo ang liga sa rebounding na may average na 15.3 per game, bukod pa sa kanyang 17.4 points, 5.1 assists, at 1.1 blocks.
Ang matikas na laro ni Fajardo ang nagsilbing mitsa para sa 10-game winning streak ng Beermen matapos ang mailap na 0-2 simula sa komperensya. Sa kanilang huling tagumpay sa quarterfinals laban sa NLEX, nagrehistro ang higante ng 26 puntos at 23 rebounds upang pormal na selyuhan ang kanilang tiket sa semis.
Bagama’t malakas ang mga numero ng mga sumusunod na manlalaro, tanging si Fajardo na lamang ang natitirang aktibo sa playoffs mula sa Top 5:
- June Mar Fajardo (SMB): 45.4 SPs
- Calvin Abueva (Titan): 41.2 SPs (23.6 ppg, 11.9 rpg)
- Calvin Abueva (Titan): 41.2 SPs (23.6 ppg, 11.9 rpg)
- Juan Gomez de Liano (Converge): 37.23 SPs (19.0 ppg, 7.2 rpg, 6.7 apg)
- Justine Baltazar (Converge): 37.15 SPs (14.8 ppg, 14.2 rpg)
- Zavier Lucero (Magnolia): 33.8 SPs (17.1 ppg, 10.1 rpg, 2.0 bpg)
Ang apat na manlalarong humahabol kay Fajardo ay hindi na makakapagdagdag ng puntos matapos ma-eliminate ang kanilang mga koponan sa quarterfinals at group stage.
Sa kabila nito, hindi dapat maging kampante ang kampo ni Fajardo dahil may mga pambato pa ang ibang semifinalist teams na nasa Top 10:
- CJ Perez (SMB): Ika-7 pwesto (32.92 SPs)
- Calvin Oftana (TNT): Ika-8 pwesto (32.91 SPs)
- CJ Cansino (Meralco): Ika-10 pwesto (31.2 SPs)
Inaasahang magpapatuloy ang mainit na tapatan sa darating na best-of-seven semifinals, kung saan masusubok ang tatag ni Fajardo sa pagdepensa sa kanyang posisyon bilang No. 1 player ng bansa. (Ron Tolentino)
