Bagsak sa kulungan ang isang Nepalese national na itinuturing na “priority target” ng INTERPOL matapos itong masakote ng mga awtoridad sa Malolos City nitong bisperas ng Bagong Taon.
Kinilala ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na si Prakash Pathak, 33-anyos. Siya ay inaresto noong December 31, 2025, sa Paseo de Congreso, Barangay Catmon, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng BI Fugitive Search Unit, Philippine National Police (PNP), at Philippine Center on Transnational Crime (PCTC).
Si Pathak ay nahaharap sa warrant of arrest na inisyu ng Kathmandu District Court noong December 1, 2025, dahil sa kasong criminal breach of trust. Bukod dito, iniuugnay din siya sa mga radikal na aktibidad sa kanyang bansa.
Ayon kay BI Fugitive Search Unit chief Rendel Sy, matagal na nilang tinitiktikan ang suspek simula nang dumating ito sa Pilipinas noong Agosto.
“Itong Nepalese na ito ay kasama sa nag-organize ng mga kaguluhan sa Nepal noong tinatawag na Gen Z protest. Pagkatapos noon, dito na siya lumipad sa atin at nagtago,” paliwanag ni Sy.
Batay sa mga intelligence report, si Pathak ay lider ng isang extremist group na nasa likod ng mga marahas na demonstrasyon sa Nepal. Dahil dito, itinuturing siyang banta sa seguridad kaya agad siyang isasailalim sa deportation proceedings bilang isang “undesirable alien.”
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng BI ang suspek habang inihahanda ang kanyang pagpapatapon pabalik ng Nepal. (Mina Paderna)
