Nasabat ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), sa pamumuno ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, ang walong abandonadong parcel na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱43.76 milyon. Nadiskubre ang mga ito sa isang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Domestic Road, Pasay City, noong Oktubre 9, 2026.
Kabilang sa mga nakumpiska ang hinihinalang shabu, cocaine, ecstasy (MDMA), marijuana kush, at ketamine na itinago sa iba’t ibang produkto at gamit.
Sa kabuuan, nakumpiska ang humigit-kumulang 5,222 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P35.51 milyon; 261 gramo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P1.38 milyon; 482 tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng P819,400; 1,047 gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P1.047 milyon; at 1,001 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng P5.005 milyon.
Nakatago ang mga hinihinalang droga sa mga handbag, lalagyan ng pagkain, sandals, garment steamer, bubble-maker toys, at laruang washing machine. Nagmula ang mga parcel sa Mexico, Canada, India, United Kingdom, Thailand, Malaysia, at Belgium at nakatakdang ipadala sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng mas mahigpit na inspeksiyon at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensiya upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga.
“Kailangan nating tiyakin na walang ilegal na droga ang makakapasok sa ating bansa. Patuloy nating paiigtingin ang pagbabantay at operasyon upang maprotektahan ang ating mga kababayan at mapanatili ang seguridad ng ating mga hangganan,” ani Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Isusumite ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Laboratory Service para sa pagsusuri. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga sangkot at maisampa ang kaukulang kaso batay sa resulta ng pagsusuri at imbestigasyon.
Patuloy na paiigtingin ng BOC ang pagbabantay sa mga pumapasok na kargamento at pakikipagtulungan sa mga kaukulang ahensiya upang mapigilan ang pagpupuslit ng ilegal na droga at mapanatiling ligtas ang mga komunidad.
