Iginagalang ng Bureau of Immigration (BI) ang resolusyon ng Supreme Court na nag-aatas sa pagpapalaya kay Global Ferronickel Holdings, Inc.’s Joseph Cue Sy kasunod ng pagtupad nito sa mga kondisyong itinakda ng Kataas-taasang Hukuman.
Ayon sa pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado nitong Lunes, Oktubre 12, nakikipag-ugnayan na ang kawanihan sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) upang matiyak ang mabilis at maayos na pagpapatupad sa nasabing direktiba ng korte.
Nilinaw ng BI na ang kasong dininig sa Korte Suprema ay isang apela kaugnay ng Habeas Corpus Petition ni Sy, kung saan ang legalidad lamang ng kanyang pagkakakulong ang tinutukoy at hindi ang usapin ng kanyang citizenship o pagkamamamayan.
Binigyang-diin ng kawanihan na ang utos ng Korte Suprema ay pampansamantalang pagpapalaya lamang habang nagpapatuloy ang mga legal na proseso sa korte, at hindi ito nangangahulugan ng pinal na desisyon ukol sa kanyang pagkakakilanlan at citizenship.
Paliwanag ni Commissioner Viado, kumilos ang BI batay sa legal nitong mandato na mag-imbestiga sa mga usaping may kaugnayan sa immigration status, pagkakakilanlan, at mga dokumento ng pagkamamamayan.
Aniya, ang mga legal na isyung lumabas sa naturang imbestigasyon ay nananatiling nakabinbin at nakadepende pa rin sa pinal na pasya ng hukuman.
Tiniyak ng BI na patuloy silang makikipagtulungan sa DOJ at OSG para sa mga susunod na hakbang na alinsunod sa mga kautusan ng Korte Suprema.
Idinagdag ng kawanihan na nananatili ang kanilang commitment sa pagtataguyod ng rule of law, paggalang sa awtoridad ng hudikatura, at tapat na pagtupad sa kanilang tungkulin na protektahan ang integridad ng sistema ng imigrasyon sa bansa.
