Mga manggagawa ng Kadiwa center sa Department of Agriculture (DA) sa Quezon City habang inaayos ang tig-10 kilong sako ng bigas na ibebenta sa halagang ₱20 kada kilo para sa mga senior citizen, PWD, at solo parent. Bahagi ito ng “Benteng Bigas Meron Na (BBM)” program na ipinatutupad sa mga Kadiwa outlet bilang suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking may sapat, abot-kaya, at madaling ma-access na pagkain para sa lahat. (Kuha ni ART TORRES)
Magandang balita para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD): maaari na nilang bilhin ang P20 kada kilong bigas sa ilalim ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” program ng Department of Agriculture (DA).
Ipinahayag ito matapos pirmahan ng dalawang ahensya ang isang Memorandum of Understanding (MOU) nitong Lunes sa Tondo, Manila, kasabay ng ginanap na WGP Food Redemption activity. Sa ilalim ng kasunduan, tinatayang 300,000 benepisyaryo ng WGP ang makikinabang sa murang bigas mula sa mga DA-accredited retailers.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ang pinakamahihirap na sektor ay may access sa abot-kayang pagkain.
“Ang instruction ng ating Pangulo ay siguraduhin na ‘yong pinaka-bulnerable na sektor ng ating mamamayan ay makikinabang sa P20 na bigas… Ito ay patunay na ang food security ay number one sa listahan ng ating Pangulo,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng WGP, bawat benepisyaryo ay tumatanggap ng P3,000 na buwanang food credits sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) cards. Maaari nilang gamitin ito para bumili ng masustansyang pagkain, kabilang ang bigas, sa mga itinakdang redemption days.
Ang pilot rollout ng BBM Na program ay sinimulan sa Tondo, Cebu, at Caraga region, at target ng gobyerno na palawakin ito sa buong bansa habang pinapatatag ang suplay ng bigas.
“Excited ang mga benepisyaryo kasi mas marami silang maiuuwi na pagkain gamit ang kanilang food credits. Lagpas doble halos ang halaga ng carbohydrates na maiuuwi nila,” dagdag ni Gatchalian.
Upang masiguro ang maayos at tapat na implementasyon ng programa, ang mga retailer ng WGP ay nilagyan ng point-of-scale (POS) devices na konektado sa EBT system. Mayroon ding mga kiosk sa mga redemption site kung saan maaaring i-check ng mga benepisyaryo ang kanilang balance, transactions, at iba pang impormasyon gamit ang QR code o digital ID.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bahagi ito ng digitalization agenda ng administrasyon:
“Layunin ng mga kiosk na palawakin ang access sa impormasyon at serbisyo, at sanayin ang mga benepisyaryo sa paggamit ng teknolohiya lalo na sa mga liblib na lugar.”
Sa kasalukuyan, ang programang BBM Na ay ipinatutupad sa mga solo parent, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs) na kabilang sa listahan ng WGP beneficiaries.
Ang murang bigas ay mabibili sa mga DA-accredited retailers, kabilang ang mga KADIWA outlets, tuwing araw ng redemption ng food credits.
Sa pagtutulungan ng DSWD at DA, umaasa ang pamahalaan na mas maraming pamilyang Pilipino ang mapapakain nang masustansya at abot-kaya — patungo sa isang bansang walang gutom.
