November 23, 2024

P134K PASANIN NG BAWAT PINOY (Sa P15.48-T utang ng Marcos admin)

MAY P134,639 utang ang bawat Filipino dahil sa puspusan ang pangungutang ng administrasyong Marcos.

Sa datos ng Bureau of Treasury para sa katapusan ng buwan ng Hunyo, pumalo na sa P15.48 trilyon ang kabuuang halaga ng utang ng Pilipinas – malayo sa P12.79 trilyong pagkakautang na iniwan ng nakaraang administrasyon.

Batay sa pagtataya ng mga eksperto, ang P134,639 na kumakatawan sa utang ng bawat Pilipino ay katumbas ng pitong buwang sahod ng isang minimum wage earner sa Metro Manila.

Gayunpaman, hindi hamak na mas malaki ang ginawang pangungutang sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.

Sa datos ng gobyerno, P5.05 trilyon lang ang dinantnang utang ni Duterte nang ganap na umupo bilang Pangulo. Sa pagbaba sa pwesto ni Duterte, iniwan ang tumataginting na P12.79 trilyon obligasyon.