Hayagang binansagan ng Office of the Solicitor General (OSG) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa bilang isang “fugitive from justice” o pugante mula sa batas habang hinihiling nito sa Korte Suprema na ibasura ang hirit ng senador para sa isang Temporary Restraining Order (TRO) laban sa kaniyang ICC arrest warrant.
Sa inihawang 83-pahinang komentaryo ng OSG nitong Sabado, Mayo 16, iginiit ng tanggapan na ang mga naging kilos ni Dela Rosa nitong mga nakaraang araw ay malinaw na pag-iwas sa umiiral na proseso ng batas.
“The essence of fugitive behavior is not limited to crossing national borders but extends to any deliberate effort to place oneself beyond the reach of lawful judicial process,” pahayag ng OSG.
Upang patunayan ang argumento sa Korte Suprema, inilatag ng OSG ang serye ng mga sirkumstansya na nagpapatunay umano sa pagiging pugante ng senador.
Kabilang dito ang kaniyang pampublikong pagtangging sumuko sa batas, ang paghiling ng TRO habang nagtatago, ang kaduda-dudang pagpuslit nito palabas ng Senado pagkatapos ng barilan, ang pagtikom ng bibig ng kaniyang abogado sa kaniyang lokasyon, at ang mismong pag-amin ng kaniyang asawa na siya ay nakatakas na.
Matatandaang huling nakita si Dela Rosa sa Senado noong nakaraang linggo upang bumoto sa balasahan sa liderato na nagluklok kay Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President. Bagamat inilagay siya sa protective custody ng Senado, palihim itong umalis madaling-araw ng Mayo 14 matapos ang naganap na barilan sa loob ng kapulungan.
BASAHIN: VP Sara sa PMA graduates: ‘Huwag mayanig sa mga banta’
Ipinaliwanag ng OSG na dahil sa kaniyang mga aksyon, pumasok na si Dela Rosa sa tinatawag na “fugitive disentitlement doctrine.” Sa ilalim ng doktrinang ito, ang isang nagtatago sa batas ay walang karapatang humingi ng tulong o proteksyon sa hustisya na kaniya namang tinatakasan.
Binigyang-diin din ng OSG na hindi na kailangan ng hiwalay na warrant mula sa lokal na korte ng Pilipinas upang ipatupad ang utos ng ICC, alinsunod sa probisyon ng Republic Act 9851 (Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity).
“It is deeply regrettable that as a sitting senator he has perpetrated the idea that it is his interpretation of the law that governs and decides whether one should abide by the lawful warrants and processes issued by a court of competent jurisdiction,” dagdag ng OSG.
Kasalukuyan nang nakasailalim si Dela Rosa sa Immigration Lookout Bulletin Order. Hinihintay na lamang ang pinal na botohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema kung pagbibigyan o tuluyang ibabasura ang hirit nitong TRO kapag nakumpleto na ang lahat ng sagot mula sa magkabilang panig.
