Nag-utos na ng malalimang internal investigation si Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Melencio Nartatez Jr. upang mabatid kung may mga pulis na nagsilbing “escort” o tumulong sa pagpuslit kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa palabas ng Senado noong Mayo 14.
Ito ay matapos makunan ng video ang isang puting police mobile na tila sumusunod sa isang misteryosong black van na lumabas mula sa basement parking ng Senado dakong alas-3:03 ng madaling araw—ilang oras matapos ang naganap na barilan sa kapulungan.
Pormal nang kinumpirma ni Pasay City Police Chief P/Col. Joselito De Sesto na siya ang sakay ng naturang police mobile, ngunit mariin niyang itinanggi na escort sila ng senador.
Ayon kay De Sesto, nagkataon lamang na sabay na lumabas sa gate ng Senado ang kaniyang sinasakyang police mobile at ang pinag-uusapang black van, dahil bahagi lamang ito ng kanilang regular na police operation.
Binigyang-diin niya na magkaiba ang kanilang tinahak na direksyon patungong World Trade Center, wala siyang ideya kung sino ang nasa loob ng van, at walang naganap na anumang uri ng koordinasyon o pabor para sa pag-alis ng naturang sasakyan.
BASAHIN: Pagharang ni Bato sa ICC warrant, hiniling ng OSG sa SC na ibasura
Bagamat may paliwanag na ang Pasay Police, hindi rito nagtatapos ang isyu para kay Gen. Nartatez.
Inatasan na niya ang mga investigative units na kumpiskahin at suriin ang lahat ng CCTV feeds, logbooks, radio dispatches, at body camera footage ng mga pulis na nakatalaga sa Senado noong umagang iyon.
“Hayaan ninyong maging malinaw: Ang PNP ay hindi kumikilos nang nakapikit dahil nakataya rito ang integridad ng aming institusyon,” mariing pahayag ng PNP Chief.
Tiniyak din ni Nartatez na walang basbas ng Camp Crame ang pag-alis ni Dela Rosa at kung mapatutunayang may mga pulis na nag-kutsaba o nagbigay ng pekeng ulat para tulungan ang senador na umiwas sa kaniyang ICC arrest warrant, haharapin ng mga ito ang pinakamabigat na parusang administratibo at kriminal.
