Nagpaabot ng kaniyang hamon at paalala si Bise Presidente Sara Duterte sa 207 nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) “Talang Dangal” Class of 2026 na huwag kailanman mayanig sa pagtatanggol sa soberanya at kalayaan ng bansa.
Sa isang opisyal na mensahe na inilabas ngayong Sabado, binigyang-diin ng Bise Presidente ang bigat ng misyong kakaharapin ng mga bagong opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang opisyal na pagsabak sa serbisyo.
“Magpakatatag kayo laban sa lahat ng banta sa ating soberanya at sa ating mga kalayaan. Huwag kayong mag-atubili o mayanig, kahit sa harap ng pinakamahihirap na hamon,” pahayag ni Duterte para sa mga kadete.
Pinuri rin ng Bise Presidente ang buong klase sa pagtatapos ng kanilang apat na taong pagsasanay sa Fort del Pilar sa Baguio City, na inilarawan niya bilang isang “mahigpit na paglalakbay na binuo ng disiplina, sakripisyo, at walang katulad na gampanin sa tungkulin.”
BASAHIN: PBBM sa PMA graduates: Katapatan sa Konstitusyon, hindi sa politiko
Ipinaalala niya sa mga bagong sundalo na ang pagbaba nila sa akademya ay hindi huli, kundi simula pa lamang ng panghabambuhay na pangako para sa proteksyon ng lupang hinirang.
Pinasalamatan din ni Duterte ang mga nagtapos sa pagpili ng landas na nakasentro sa paglilingkod sa bayan.
“Nawa’y ang inyong serbisyo ay maging patunay ng inyong determinasyon na protektahan ang ating bansa at itaguyod ang kapakanan ng bawat Pilipino,” dagdag ng Bise Presidente.
Matatandaang inimbitahan si Duterte sa graduation rites sa Borromeo Field kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit hindi ito personal na nakarating at nagpadala na lamang ng kaniyang kinatawan upang ihatid ang kaniyang mensahe.
