Habang mas umiigting ang pagbabantay laban sa online gambling at inalis na ang direktang koneksyon nito sa mga e-wallet, lumipat naman sa iba’t ibang platform ang mga operator ng sugal gaya ng Viber, Telegram at maging sa e-commerce apps tulad ng Lazada.
Ayon kay Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate committee on games and amusement, hindi pa tapos ang laban kontra sa online gambling kahit na sinunod ng mga e-wallet companies ang 48-oras na deadline ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Agosto 14 para tanggalin ang gambling links mula sa kanilang apps.
Ibinunyag ni Tulfo na pinapalakas pa ng ilang operator ang kanilang operasyon.
Sa isang advisory ng BingoPlus, sinabi nitong mananatiling accessible ang kanilang mga laro sa pamamagitan ng app, website, at Viber, habang tuloy pa rin ang deposito at withdrawal gamit ang GCash at Maya.
Bukod dito, ginagamit na rin umano ang mga e-commerce platform tulad ng Lazada, kung saan binebenta bilang “vouchers” ang kanilang produkto na maaaring bilhin gamit ang debit, credit card, at e-wallets, bago ito i-convert bilang gaming credits.
“We laud the move of the e-wallet firms to delink these online gambling sites from their platforms. This is a sign that the business sector is willing to work with the government in addressing the problem of online gambling addiction in our country,” ani Tulfo.
Dagdag pa ng senador, hindi kalaban ng gobyerno ang business sector kundi kakampi sa paglaban upang hindi mahulog sa bisyo ng sugal ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
Patuloy namang nagsasagawa ng pagdinig ang Senado hinggil sa online gambling, kung saan karamihan sa mga senador ay nagpahayag ng pagtutol sa operasyon nito, legal man o ilegal.
