Trahedya ang nangyari matapos malunod ang isang 4-anyos na bata sa Wawa River, Sitio Inigan, Brgy. San Rafael, Rodriguez, Rizal nitong Linggo ng umaga, Agosto 17, 2025.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jude Ethan Solina y Zonio, 4 taong gulang, residente ng Sitio Inigan Wawa at kasalukuyang kinder 1 student.
Ayon sa imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), bandang 11:30 ng umaga nang maligo sa ilog ang biktima kasama ang dalawa niyang kalaro. Ibinahagi ng isang saksi na nagtungo muna sa kanila ang mga bata bago pumunta sa ilog upang maligo. Nagulat na lamang ang saksi nang dalawa na lang ang bumalik at nawawala na si Solina.
Agad nagsagawa ng paghahanap ang mga residente at natagpuan ang bata matapos ang halos isang oras. Agad siyang isinugod sa Casimero Ynares Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Nagsumite na ng waiver ang pamilya ng biktima na hindi na sila interesado sa pagsasagawa ng autopsy dahil naniniwala silang walang foul play sa insidente.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa mga magulang at residente na magdoble-ingat at bantayan ang kanilang mga anak, lalo na kung malapit sa mga ilog at iba pang delikadong lugar.
