Photo Screenshot mula sa Marikina PIO
Tiniyak ni Mayor Maan Teodoro na tuloy-tuloy ang pagtutulak ng lokal na pamahalaan sa digitization ng lahat ng serbisyo sa lungsod ng Marikina.
Ayon kay Teodoro, kabilang sa planong gawing digital ang pagbabayad ng multa, pag-aaplay ng business permits at iba pang dokumento upang mas mapabilis at mas mapadali ang serbisyo para sa mga residente.
“Ngayon nagsimula na tayo sa pagsusuri ng lahat ng proseso sa city hall, o isang process audit. Isa-isa nating inaaral kung paano mas mapapadali ang mga hakbang at paano mapapabilis ang turnaround time o bilis sa pagkuha ng mga dokumentong kailangan ng ating mga kababayan,” ani Teodoro sa kanyang talumpati sa flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga.
Binigyang-diin ng alkalde na malinaw ang direksyon ng city hall: gawing contactless ang government transactions upang mabawasan ang personal interaction, maputol ang manual intervention, at masawata ang fixers, red tape at pang-aabuso.
Aniya, hindi lamang modernisasyon ang digitalization kundi isang reporma para matiyak na magiging mas mabilis, efficient at tapat ang serbisyo ng pamahalaan.
“Hindi ito overnight change, kundi isang sunod-sunod na proseso na magpapatibay sa ating city hall—mula sa internal systems hanggang sa client-facing services,” dagdag pa ng alkalde.
Tiniyak ni Teodoro na sa oras na matapos ang pre-work para sa digitalization, asahan ng mga Marikeño ang mas madali, mas mabilis at mas accessible na paraan ng pagkuha ng serbisyo ng pamahalaan — “right at your fingertips.”
