Ulat ni Ron Tolentino
NAGTALA ng matikas na 2-0 simula ang National University (NU) Bulldogs matapos gibain ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 84-68, sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament, Sabado, Setyembre 27 sa Araneta Coliseum.
Muling pinangunahan ni returning foreign student-athlete Omar John ang Bulldogs sa pamamagitan ng 16 puntos at 9 rebounds, habang nag-ambag si Jake Figueroa ng 13 puntos, 7 rebounds at 5 assists. Halos double-double din si Jolo Manansala na may 13 puntos at 9 rebounds.
Matapos lumamang ng 14 puntos sa halftime, nalusutan ng NU nang magpasiklab ang FEU ng 14-0 run sa ikatlong yugto at pansamantalang maagaw ang abante sa 48-47. Ngunit mabilis na bumawi ang Bulldogs at muling kumamada sa huling kwarto, hindi na pinakawalan ang 16-point win.
“Sa halftime, pinaalala ko sa team na manatiling agresibo. Pero nang lumabas kami, lumamya kami sa depensa. Kaya kinailangan kong mag-adjust agad,” pahayag ni NU coach Jeff Napa.
Samantala, hindi naulit ng FEU backcourt duo na sina Janrey Pasaol at Jorick Bautista ang kanilang 24-point explosion kontra Ateneo, matapos limitahan sa tig-16 at 15 puntos.
Si Kirby Mongcopa ang tumulong sa 16 markers, pero hindi pa rin sapat upang maiwasan ang 0-2 kartada ng Tamaraws.
Final Score: NU 84 – FEU 68
Quarters: 19-14, 44-30, 55-52, 84-68
