Sa panahong halos lahat ng gawain ay online na, milyon-milyong senior citizen sa bansa ang patuloy na nahuhuli sa digital world. Bagama’t may ilang nakakasabay, pero marami ang tuluyang naiiwan.
Isa sa kakaunting tinatawag na “digital success story” si Paz Deocariza, 67, mula Masbate City. Natutunan niyang gumamit ng cellphone at Facebook Messenger para makausap ang kanyang anak sa Saudi at mga apo sa Albay.
Ngunit para kina Honorina at Virginia Lodor ng Albay, ang tanging koneksyon nila sa labas ng mundo ay isang transistor radio. Wala silang cellphone, internet, o access sa mga serbisyong online.
Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 18% lang ng mga Pilipinong edad 65 pataas ang may kahit isang basic ICT skill, tulad ng paggamit ng email, pag-text, o simpleng internet browsing. Ibig sabihin, karamihan ay naiwan sa teknolohiya.
Bukod sa digital exclusion, lantad din ang matatanda sa online scams. Batay sa datos ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), naitala ang 282 kaso ng mga senior na nabiktima ng phishing, investment scams, love scams, at pekeng health products. May mga lola na nawalan ng buong retirement pay matapos mauto na ibigay ang kanilang OTPs sa mga manloloko.
May mga nakakatanda ring sadyang umiiwas sa gadgets dahil sa panghihina ng paningin at pandinig. Tulad ni Virginia Lodor, 78, na ayaw matutong gumamit ng cellphone at binansagang “hassle” ito. Ilang linggo matapos ang panayam, siya ay pumanaw.
Babala ng PIDS at ng Department of Information and Communications Technology (DICT): Habang dumarami ang serbisyong online gaya ng pension distribution, banking, at telemedicine, ang hindi marunong sa teknolohiya ay tuluyang maiiwan.
“Digital literacy is no longer optional — it’s a lifeline,” ayon sa PIDS report.
Ayon naman kay Mary Jean Loreche ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), may mga programang isinasagawa upang turuan ang matatanda sa tamang paggamit ng social media at sa pag-iwas sa online scams, katuwang ang National Privacy Commission.
Ngunit hanggang hindi abot-kaya at abot-kamay ang internet at gadgets, marami pa ring Pilipinong lolo’t lola ang mananatiling tagasulyap na lang sa mabilis na takbo ng digital na mundo.
