UMABOT na sa 19 ang nasawi sa hagupit ng tatlong magkakasunod na bagyo at ng habagat sa nakalipas na dalawang linggo, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa 12 p.m. situational report ngayong Sabado, apat ang kumpirmadong nasawi habang 15 pa ang kasalukuyang bineberipika. Pinakamaraming casualty ay mula sa Cagayan Valley (8), sinundan ng Cordillera (4), Central Luzon (3), Bicol (3) at Eastern Visayas (1).
Naitala rin ang 18 sugatan at 14 nawawala.
Sa kabuuan, tinatayang 563,073 pamilya o 2.17 milyong katao ang naapektuhan ng habagat at ng bagyong Mirasol, Super Typhoon Nando (Ragasa), at Severe Tropical Storm Opong (Bualoi).
Tinatayang aabot naman sa ₱914.8 milyon ang pinsala sa agrikultura, ayon sa Department of Agriculture.
Timeline ng mga Bagyo:
- Mirasol (Set. 16–18): Naging tropical depression at agad nakalabas ng PAR.
- Nando (Set. 18–23): Umabot sa super typhoon, pinakamalakas ngayong taon; nagdulot ng pinsala sa Northern at Central Luzon bago tumama sa Taiwan, Hong Kong, at China.
- Opong (Set. 23–27): Nag-landfall nang anim na beses, dalawang beses sa Masbate bilang severe tropical storm; nakalabas ng PAR kaninang 10 a.m.
Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang mga apektadong probinsya habang nagpapatuloy ang relief operations para sa milyun-milyong naapektuhan ng kalamidad.
