INAMIN ng Commission on Audit (COA) na nakalusot sa kanilang pagsusuri ang mga maanomalyang flood control projects sa Bulacan dahil umano sa matinding kakulangan ng tauhan.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, sinabi ni COA acting assistant director Tracy Ann Sunico na dalawa lang ang miyembro ng audit team na nakatalaga sa Bulacan First District Engineering Office (DEO), kung saan lumobo ang bilang ng flood control projects mula 2022 hanggang 2024.
“Dalawa lang ang audit team member,” tugon ni Sunico kay Sen. Sherwin Gatchalian, na nagtanong kung bakit hindi na-detect ng COA ang mga substandard at ghost projects.
Itinuring ni Gatchalian ang COA bilang “last safeguard laban sa korapsyon,” na dapat sana’y nakapigil sa eskandalo.
Binigyang-diin pa niya na kahit sa post-audit level, dapat lumabas ang iregularidad gaya ng proyektong naitalang 46% complete matapos lang ang dalawang araw mula sa Notice to Proceed (NTP), at isa pang riverbank protection project na idineklarang halos tapos na sa loob lang ng 15 araw.
Depensa ni Sunico, hindi nagsusumite ng disbursement vouchers at supporting documents ang mga district engineering offices, kaya’t nakadepende lang ang mga auditor sa publicized project reports.
Sa kabila nito, napilitan umano ang resident auditor na maglabas ng notice of disallowance dahil may indikasyon ng pandaraya.
Nadiskubre rin na mula 2020 hanggang 2023, lalo pang nabaon sa problema ang COA dahil sa pandemic restrictions at pagbawas ng gobyerno ng mahigit 100 plantilla positions noong 2023, dahilan upang lalong kapusin ang auditors sa field.
Subalit hindi tinanggap ni Gatchalian ang rason na kakulangan ng tauhan ang puno’t dulo ng anomalya:
“Parang hindi katanggap-tanggap na dahil lang sa manpower issue, nakalusot ito ng ilang taon. May exit conference naman taon-taon — dapat lumalabas na agad ang deficiencies,” giit niya.
Binuksan din ng senador ang posibilidad na may ilang state auditors na maaaring kasabwat mismo sa flood control scam.
