Bumanat si Malacañang press officer Claire Castro laban kay Atty. Nicholas Kaufman, abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, matapos umano nitong “baluktutin” ang kanyang pahayag kaugnay sa hiling ni Duterte ng pansamantalang paglaya sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Castro, wala umanong kinalaman ang administrasyong Marcos Jr. sa kasong kinahaharap ng dating pangulo sa ICC.
“Atty. Kaufman appears to have mastered the art of twisting some facts,” ani Castro sa isang pahayag. “Muli, nais naming linawin na ang administrasyong Marcos Jr. ay hindi privy at walang kamay sa kaso ni dating Pangulong Duterte sa ICC, partikular sa kanyang hiling para sa pansamantalang paglaya.”
Paliwanag pa ng opisyal, bilang tagamasid lamang, tanging respeto sa magiging desisyon ng ICC ang maibibigay ng pamahalaan.
Lumabas ang komento matapos isama ni Kaufman sa kaniyang filing sa Pre-Trial Chamber (PTC) 1 ng ICC ang pahayag ni Castro noong Setyembre 24. Binanggit pa ng depensa na tila pumapayag ang gobyerno sa hiling ni Duterte na mailipat pansamantala sa isang hindi pa isiniwalat na bansa.
Samantala, nakabinbin pa rin ang desisyon ng PTC 1 sa mga hiling ng kampo ni Duterte, kabilang ang pansamantalang paglaya, diskalipikasyon kay Prosecutor Karim Khan, at ang hamon sa hurisdiksyon ng ICC.
Kamakailan, inilabas ng korte ang dokumentong naglalaman ng tatlong bilang ng murder laban kay Duterte kaugnay ng umano’y death squad at “reward scheme” na nakapaloob sa kanyang war on drugs.
