BUMALIK sa Department of Justice (DOJ) nitong Sabado ang mag-asawang Pacifico “Curlee” Discaya II at Sarah para sa pagpapatuloy ng case buildup ng gobyerno kaugnay ng kontrobersyal na floodgate scandal.
Dumating si Curlee sa DOJ pasado tanghali mula sa Senado kung saan siya kasalukuyang nakakulong, suot ang bulletproof vest at mahigpit na binabantayan ng Police Security and Protection Group. Dumating naman si Sarah sakay ng hiwalay na sasakyan. Tumanggi ang mag-asawa at kanilang abogado na magbigay ng pahayag.
Kasama ang Discayas sa Witness Protection Program ng DOJ, kasama ang dating mga engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza. Gayunman, nilinaw ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi pa sila maituturing na state witnesses hangga’t hindi napatutunayan na malinis sila sa anumang pananagutan.
Hinimok ni Remulla ang Discayas na magprisinta ng ebidensya para suportahan ang kanilang testimonya laban sa ilang mambabatas, staff, at opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa kickbacks mula sa mga flood control project.
Ang pagbabalik ng mag-asawa sa DOJ ay kasunod ng kumpirmasyon na inirekomenda na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang personalidad na nadawit sa isyu.
Kabilang dito sina Senators Francis “Chiz” Escudero at Joel Villanueva, dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., at Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na pawang itinanggi ang akusasyon.
Ayon sa DOJ, ang rekomendasyon ng NBI ay direktang nakabatay sa mga sinumpaang salaysay nina Alcantara, Hernandez, Mendoza, at dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo. “Walang sinuman ang nakatataas sa batas,” diin ng DOJ, sabay giit na lahat ng pinangalanan ay kakaharapin ang mga alegasyon sa ilalim ng tamang proseso ng batas.
