REHAS na bakal ang kinasadlakan ang isang lolong vendor na akusado sa Acts of Lasciviousness at Lascivious Conduct matapos malambat ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang akusado na si alyas “Jaime”, 60, vendor ng Sitio, 6, Brgy. Catmon.
Napag-alaman ng pulisya na may nakabinbing arrest warrant ang akusado na inisyu ng Malabon City Family Court Branch 4, noong December 15, 20215 para sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610 at Lascivious Conduct in relation to RA 7610.
Dahil dito, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS ang malawakang manhunt operation laban sa akusado na nakatala bilang No. 9 sa Top Ten Most Wanted Person ng Malabon CPS.
Dakong alas-3:40 ng hapon nang tuluyang maaresto ng mga tauhan ni Col. Umipig ang akusado sa Ibarra Street, Barangay Acacia, sa bisa ng arrest warrant na may inirekomendang piyansa na P360,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pinapurihan naman ni Gen. Dela Cruz si Col. Umipig at kanyang mga tauhan para sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga wanted na criminal na pinaghahanap ng batas para mapanagot sa kanilang nagawang kasalanan. (JUVY LUCERO)
