November 17, 2024

NGCP SA ALBAY, TULOY ANG OPERASYON (Sa kabila ng pag-aalburoto ng Mayon)

Tuloy ang normal na operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines sa Albay sa kabila ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Engineer Redi Allan Remoroza, Assistant Vice President ng NGCP at head ng Transmission Planning Department, wala pang naaapektuhang pasilidad  ng NGCP dahil sa abo na ibinubuga ng bulkan.

Maayos pa rin aniya ang mga transmission facility kaya walang dahilan na magsagawa ng preemptive shutdown.

Tiniyak naman ni Attorney Cynthia Alabanza, Assistant Vice President at tagapagsalita ng NGCP, na sakaling lumala ang sitwasyon sa Albay, localized facility shutdown lamang ang ipatutupad.

Sinabi ni Alabanza na kailangan lang aniyang  tiyakin kung may sapat na suplay ng kuryente ang mga evacuation center, mga ospital at iba pang pasilidad.

Kung magpapatupad man aniya ng shutdown, ilang  oras lamang at hindi aabutin ng araw dahil kailangan lamang na linisin ang mga pasilidad.

Samantala, umaasa ang NGCP na wala nang magiging sagabal sa inter-connection ng suplay ng kuryente sa Mindanao at Visayas na ilang dekada nang nababalam.

Ayon kay Alabanza,  noong Mayo sinimulan ang transmission sa pagitan ng Mindanao at Visayas

Umaasa aniya sila na magiging fully-operational na ngayong taon ang proyekto na ginastusan ng ₱52-bilyon.

Sinabi pa ni Alabanza na dahil konektado ang Luzon at Visayas ay inaasahan nilang mas mapapadali ang pagpapasa ng suplay ng kuryente sa Luzon, Visayas at Mindanao

Sa pamamagitan aniya  nito ay maaaring matugunan na ang pangangailangan sa kuryente ng bansa

Ngunit paglilinaw ni Alabanza na mas maganda pa rin mapalakas ng Luzon, Visayas at Mindanao ang kanilang produksyon ng kuryente upang mapunan ang pangangailangan ng bawat nasasakupang rehiyon Mahalaga aniyang maging matatag ang suplay ng kuryente ng Luzon maging ng Visayas at Mindanao upang hindi na aasa sa inter-connection.