

SWAK sa kulungan ang bagsak ng 23-anyos na mangingisda nang tutukan ng baril at pagbantaang patayin ang negosyanteng ginang na naningil ng pautang sa kanya sa Navotas City.
Batay sa ulat, nagtungo ang 40-anyos na ginang sa bahay ni alyas “Rommel” sa Brgy. Tanza Dos dakong alas-6 ng umaga upang pakiusapan ang suspek na bayaran na ang kanyang pagkakautang.
Sa halip na magbayad, bumunot umano ng baril ang suspek sabay sinabihan ang biktima ng “Pu—ina mo, puro ka singil ng utang ah, gusto mo patayin na kita? Parang hindi ka babayaran”.
Dahil sa takot, nagtatakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Patrol Base 1 ng Navotas Police Station na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ayon kay Navotas Police OIC chief P/Col. Renante Pinuela, nakuha sa suspek ang isang improvised firearm ‘pen-gun’ na kargado ng isang bala ng kalibre .38. Mahaharap ang suspek sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.