

Tiniyak ng Malacañang na handa ang Pilipinas sa anumang magiging resulta ng kasalukuyang negosasyon sa taripa sa pagitan ng bansa at ng Estados Unidos, habang papalapit na ang pagtatapos ng 90-araw na “Liberation Day” tariff pause ni US President Donald Trump sa Hulyo 9.
Sa isang press briefing nitong Miyerkules, Hulyo 2, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro na patuloy na pinag-aaralan ng administrasyong Marcos at ng economic team nito ang mga hakbang na dapat isagawa, lalo na’t may posibilidad na mapanatili, ibaba, o itaas pa ang 17% taripa na ipinataw ng US sa mga produktong Pilipino mula pa noong Abril.
“Ano’t anuman po ang mangyari dito, kailangan po ang bansa ay handa. Kaya ang Pangulo natin at economic team ay lagi pong pinag-aaralan ang mga patungkol dito,” pahayag ni Castro.
Bagamat nananatiling kumpidensyal ang detalye ng bilateral talks, tiniyak ng Palasyo na anumang resulta ay ikinokonsidera ang pangkalahatang interes ng pambansang ekonomiya.
“Asahan po natin kung anuman po ang magiging resolusyon dito, ito rin po ay para sa ikabubuti ng ating bayan,” dagdag pa niya.
Bilang tugon, nanawagan si Marcos ng mas matatag na koordinasyon at mas malalim na integrasyong pang-ekonomiya sa loob ng ASEAN.
“We have to depend more on each other, on ASEAN. Malakas naman ang loob namin sa ASEAN member countries. Masigla ang kanilang mga ekonomiya. Masigla ang ating ekonomiya,” ani Marcos.
“If we cannot sell to these markets anymore, then let’s sell to each other’s markets. The best, most solid way forward is to be a reliable partner for each other in ASEAN,” dagdag niya.
Sa ilalim ng “Reciprocal Trade and Tariffs” policy na inilunsad ni Trump ngayong taon, ipinatupad ang minimum 10% taripa sa lahat ng inaangkat na produkto. Lubhang naapektuhan ang mga bansa sa Southeast Asia tulad ng Cambodia – hanggang 49%, Vietnam – 46% at Pilipinas – 17%
Habang patuloy ang negosasyon, umaasa ang pamahalaan na magiging makatarungan at kapaki-pakinabang ang magiging kasunduan para sa mga Pilipinong negosyante at mamimili.