Bukas ang Malacañang na pag-aralan ang mga mungkahing may kaugnayan sa paghihigpit sa seguridad kasunod ng mga naitalang serye ng karahasan sa loob ng mga paaralan (school violence) sa bansa.
Sa naganap na press briefing nitong Lunes, Hunyo 29, hiningan ng reaksyon ng Malacañang Press Corps ang Palasyo ukol sa hakbang ni Mayor Gika ng Dumanjug, Cebu na magpatupad ng total cellphone ban sa mga klase upang matugunan ang isyu ng kaligtasan at pokus ng mga mag-aaral.
Ayon kay Office of the Palace Press Undersecretary Claire Castro, maganda ang layunin ng naturang polisiya upang mas makapag-concentrate sa pag-aaral ang mga kabataan.
Gayunpaman, nilinaw niya na ang pagpapasya sa mga kaukulang parusa o regulasyon ay nakadepende pa rin sa pamunuan ng bawat eskwelahan.
“Maganda naman po ‘yung kanyang layunin para mas magkaroon ng concentration ang mga bata sa kanilang pag-aaral… Pwede naman nilang gamitin (ang cellphone) lalo na kung kailangan sa mga emergency cases,” pahayag ni Undersecretary Castro.
Idinagdag din ng opisyal na kasalukuyan nang hinihingi ng Palasyo ang opisyal na opinyon ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ukol sa posibilidad ng pagpapatupad ng isang nationwide cellphone ban sa mga paaralan.
Sa ngayon, kalimitan nang ipinapatupad ang ganitong panuntunan sa mga pribadong institusyon habang nagkaklase.
Samantala, hiningan din ng pahayag ang Palasyo ukol sa mungkahi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na amyendahan ang gun laws o batas sa paghawak ng armas sa bansa upang mapigilan ang pagpasok ng karahasan sa mga kampus.
Binigyang-diin ni Castro na nakadepende ang suporta ng administrasyon sa magiging pinal na detalye ng panukala, ngunit sinabing hindi dapat binibigyan ng labis na kaluwagan ang mga iresponsableng indibidwal na magmay-ari ng baril.
“Depende po kung ano ang magiging proposal. Kung ito naman po ay makakabuti talaga para sa lalong proteksyon at seguridad ng ating mga kababayan, hindi po naman talaga kailangan sobrang binibigay na liway (kalayaan) para ikaw ay magkaroon ng armas, lalong-lalo na kung hindi ka naman responsable,” pagtatapos ng opisyal.
