Opisyal nang hinawakan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang reklamong administratibo laban sa sampung miyembro ng Angono Police Station sa Rizal dahil sa seryosong alegasyon ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Ang reklamo ay pormal na isinampa ni Nestor Makabenta, Jr. sa tulong ng tanggapan ni Senator Erwin Tulfo.
Ayon sa imbestigasyon, kabilang sa mga inirereklamo sina PCPT Francis Caparas, PCMS Randell Evardone, PMSg Jeffrey Godalle, PMSg Michael Maandal, PSSg Rommel Bilog, PSSg Daril Piamonte, PSSg Rowel Sabangan, PSSg Alejandro Probadora, PSSg Brian Moises at PCpl Andres Buelo, Jr.
Batay sa salaysay ni Makabenta, pinalabas ng mga pulis na siya ay nahuli sa isang buy-bust operation bandang alas-10 ng gabi noong Nobyembre 10, 2025. Gayunpaman, base sa ebidensyang CCTV, alas-5 pa lamang ng hapon ay hinarang na siya habang nakamotor.
Dito na umano nagsimula ang pangingikil kung saan hiningan ang biktima ng P50,000 bilang “areglo.” Bagama’t nakapagpadala ng pera ang pamilya sa pamamagitan ng GCash, itinuloy pa rin ng mga pulis ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.
Nauna nang ibinasura ng piskalya ang kasong kriminal laban kay Makabenta matapos makita ang malaking pagkakaiba sa kuwento ng mga pulis kumpara sa testimonya ng mga barangay tanod at media. Lumabas na dinala lamang ang mga saksi para sa “inventory” at hindi sila aktwal na naroon sa oras ng pag-aresto.
Mariing kinondena ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan ang aksyon ng mga pulis at tiniyak na hindi palalampasin ang ganitong uri ng abuso.
“Kapag ang kapangyarihan ay ginamit para manakot at mangikil, malinaw na abuso ito. Tatamaan ang dapat tamaan. Walang puwang sa serbisyo-pulis ang pang-aabuso at pangingikil,” ani Calinisan.
Dagdag pa ng komisyoner, tungkulin ng NAPOLCOM na tiyaking ang uniporme ay simbolo ng proteksyon at hindi ng takot. Kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng Inspection, Monitoring, and Investigation Service (IMIS) ang naturang mga pulis.
