Isang makasaysayang yugto para sa pananampalataya sa Pampanga matapos opisyal na itaas ni Pope Leo XIV ang Holy Rosary Parish (HRP) sa Angeles City bilang isang Minor Basilica.
Ito ang kauna-unahang minor basilica sa buong Arshidyosesis ng San Fernando at pang-30 naman sa buong Pilipinas.
Ayon sa anunsyo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), inaprubahan ng Santo Papa ang hiling ni Archbishop Florentino Lavarias dahil sa taglay na “strong liturgical life” ng parokya at ang matatag at matagal na nitong debosyon kay Maria.
Ang nasabing pagkilala ay ipinagtibay sa pamamagitan ng isang dekreto mula sa Dicastery for Divine Worship and Discipline of the Sacraments.
Ang dekreto, na may petsang Enero 21, 2026, ay natanggap ng Apostolic Nunciature sa Maynila sa pamamagitan ni Fr. Manuel Sta. Maria ngayong araw, Pebrero 10.
Ang paggawad ng titulong Minor Basilica ay isang espesyal na katayuan na ibinibigay ng Papa sa mga simbahan na may malalim na kahalagahang pangkasaysayan, nagpapakita ng masiglang buhay-liturhiya at nagsisilbing sentro ng pananampalataya para sa mga deboto.
Inaasahang magdudulot ito ng higit pang sigla sa turismo at espiritwalidad sa probinsya ng Pampanga, lalo na’t ang Holy Rosary Parish, o mas kilala ng mga lokal bilang “Pisamban Maragul,” ay isa sa mga pinakakilalang landmark sa gitna ng Angeles City. (ARSENIO TAN)
