May 20, 2024

Naka-tape ang mukha, duguan… BANGKAY ITINAPON SA CALOOCAN

Iniwan sa kalsada ang bangkay ng hinihinalang umanong drug pusher sa isang barangay sa Caloocan City nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV footage, makikita ang dalawang lalaki  na nakasuot ng itim na jacket na bumaba sa isang puting van sa Barangay 75.

Binuksan ng mga ito ang trunk ng kanilang sasakyan habang ang isang lalaki ay nagsilbing lookout.

Ilang saglit pa ay umalis na ang sasakyan at iniwan ang katawan sa kalsada. Nakatali ang paa ng biktima habang nakapatong ang karton sa dibdib na may nakasulat ‘Tulak ako! ‘Wag tularan. Susunod kayo!!!’

Nakita rin ang mga basyo ng bala sa lugar.

Ayon kay Kap. Augosto Nadal ng Brgy. 75, anim na buwan nang naninirahan ang lalaki na kilala bilang si “Nap.”

“Pero pinababantayan ko na ‘yan dahil alam kong nagbebenta ng droga. Nakikita rin sa CCTV na ‘yun nga nag aabutan. Talagang positive na nag bebenta,” ayon kay Nadal.

Sinabi ni Nadal na dati nang naaresto ang biktima pero walang linaw kung may kinalaman ito sa droga.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng krimen at ang pagkakilanlan ng mga suspek.