Binigyang-diin ni National Authority for Child Care Assistant Secretary Rowena Macalintal sa ginanap na Kapihan ng Samahang Plaridel na mas pinabilis at ginawa nang libre ang proseso ng pag-aampon sa Pilipinas sa ilalim ng Republic Act 11642.
Dahil sa paglipat ng proseso mula sa korte patungo sa isang administrative na sistema, ang dating inaabot ng maraming taon ay kaya na ngayong tapusin sa loob lamang ng siyam na buwan nang walang binabayarang fee sa NACC.
Ang tanging gagastusin ng mga aplikante ay para sa kanilang sariling dokumento gaya ng NBI clearance at psychological evaluation, habang ang NACC na ang direktang nakikipag-ugnayan sa PSA para sa paglalabas ng bagong birth certificate ng bata.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ni Macalintal ang mahalagang deadline para sa Simulated Birth Rectification Act o Republic Act 11222 na magtatapos sa taong 2029.
Ang batas na ito ay nagbibigay ng amnestiya sa mga pamilyang pinalabas na sila ang tunay na magulang sa birth certificate ng isang bata kahit hindi naman sila ang nagsilang dito.
Sa pamamagitan ng pag-a-apply bago ang deadline, ang mga magulang pati na ang mga doktor o midwife na tumulong sa kanila ay hindi mahaharap sa kasong kriminal o sibil na may parusang hanggang sampung taong pagkabilanggo.
Layunin ng rectification na ito na matiyak ang legal na katayuan at karapatan ng bata sa hinaharap, lalo na sa usapin ng mana at pagkuha ng mga mahahalagang dokumento gaya ng passport.
Mariin ding kinondena ng NACC ang talamak na bentahan ng mga sanggol sa social media na itinuturing na isang seryosong kaso ng human trafficking.
Ayon sa ahensya, nakapagtala na sila ng mahigit dalawampung matagumpay na rescue operations kung saan nailigtas ang mga sanggol na ibinebenta online sa iba’t ibang halaga.
Nanawagan ang opisyal sa mga inang dumaranas ng krisis na huwag ituring na kalakal ang kanilang mga anak dahil mayroong mga legal na paraan ng pagsuko ng bata sa gobyerno o mga lisensyadong child-caring agencies.
Bukod sa pag-aampon, bukas din ang NACC para sa mga nais maging foster parents kung saan nagbibigay ang pamahalaan ng buwanang subsidy para sa pangangailangan ng bata habang ito ay pansamantalang nasa kanilang pangangalaga.
