Mariing pinabulaanan ng Malacañang ngayong Sabado ang mga kumakalat na balita na isinugod umano sa isang ospital sa Quezon City si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang katotohanan ang naturang mga espeskulasyon dahil abala ang Pangulo sa kanyang mga tungkulin.
Binigyang-diin ni Castro na dumalo ang Pangulo sa isang private meeting kasama ang Presidential Management Staff ngayong umaga.
Tiniyak din ng opisyal na nasa mabuting pangangatawan at maayos na kondisyon ang Punong Ehekutibo, at patuloy na nagtatrabaho kahit araw ng Sabado.
Ang paglilinaw na ito ay inilabas mahigit isang buwan matapos sumailalim si Pangulong Marcos sa medical observation sa St. Luke’s Medical Center noong Enero 21 hanggang 22 dahil sa nararamdamang discomfort.
Kalaunan ay kinumpirma mismo ng Pangulo na siya ay na-diagnose na may diverticulitis, isang kondisyon na ayon sa kanya ay karaniwan sa mga taong nakakaranas ng matinding stress. Sa kabila nito, personal niyang tiniyak noon na siya ay magaling na at maayos na ang kanyang pakiramdam.
