Nayanig ang buong rehiyon ng Middle East matapos maglunsad ng magkasanib at malawakang pagsalakay ang tropa ng Estados Unidos at Israel laban sa mga estratehikong target sa Iran ngayong Sabado. Ang tinaguriang “preemptive strikes” ay naglalayong lumpuhin ang nuclear program at missile infrastructure ng Tehran matapos umanong mabigo ang mga negosasyong diplomatiko sa Geneva.
Sa isang video address, opisyal na kinumpirma ni US President Donald Trump ang pagsisimula ng “major combat operations.” Ayon sa Pangulo, ang layunin ng kampanya ay sirain ang kakayahan ng Iran na maghasik ng destabilisasyon sa rehiyon at tiyaking hindi sila makakabuo ng nuclear weapon. Kasabay nito, nanawagan din si Trump sa mga mamamayan ng Iran na bawiin ang kontrol sa kanilang pamahalaan.
Sa panig ng Israel, nagdeklara ng “special state of emergency” sa buong bansa si Defense Minister Israel Katz. Ayon sa mga ulat, ang unang bugso ng pag-atake ay tumama sa mga military installations sa Tehran, kabilang ang mga lokasyong malapit sa tanggapan ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei. Kinumpirma rin ng Israeli military na ang operasyon ay nakatutok sa pag-alis ng “existential threat” na dulot ng rehimeng Iran.
Bilang ganti, nagpakawala na rin ng mga ballistic missiles at drones ang Iran patungo sa Israel at sa mga base militar ng US sa Kuwait, UAE, Qatar, at Bahrain. Sa kasalukuyan, iniulat ng United Arab Emirates ang isang kumpirmadong nasawi sa Abu Dhabi matapos ang naganap na interception ng mga missiles.
Dahil sa tumitinding tensyon, agad na isinara ang airspace ng mga bansang Iran, Iraq, Israel, Syria, at Kuwait para sa mga civilian flights.
Nagkansela na rin ng kani-kanilang biyahe ang malalaking airline companies gaya ng Air France at Lufthansa habang nakataas ang alerto sa buong mundo dahil sa posibleng malawakang digmaan sa rehiyon. (LIMUEL TOLENTINO)
