May “familiar face” ang Gilas Pilipinas na kailangang harapin sa kanilang tune-up game laban sa Macau Black Bears sa Smart Araneta Coliseum ngayong Lunes, Hulyo 28 — at ito’y walang iba kundi ang Quentin Millora-Brown, ang sentrong tumulong sa UP Fighting Maroons para agawin ang korona sa UAAP Season 87 kontra La Salle!
Ang tune-up game ay bahagi ng paghahanda ng Gilas para sa 2025 FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia sa susunod na buwan.
Kamakailan lamang ay ipinagmalaki ng Black Bears ang opisyal na pagsali ng 6-foot-10 Fil-Am center, na nagtala ng one-and-done championship run sa UP matapos galing sa NCAA teams na Vanderbilt at The Citadel.
“With NCAA and UAAP experience under his belt… Quentin brings elite rebounding, shot-blocking, and interior toughness,” ani ng Macau sa social media post nila.
Si Millora-Brown ay isa sa mga manlalarong inasam ng fans na makasama sa Gilas, pero ayon sa FIBA rules, hindi siya eligible bilang local player — dahilan para hindi siya maisama sa national pool.
Kaya’t exciting ang magiging salpukan niya kontra kina Japeth Aguilar, AJ Edu, June Mar Fajardo, at Justin Brownlee — mga sandata ng Gilas sa paint.
Sa kanyang unang laro sa Macau, umarangkada agad si Millora-Brown sa panalo ng Black Bears kontra Phuket Whales Aces, 121-105, kung saan bumanat siya ng 20 points at 17 rebounds.
“Paint Monster!” ang tawag sa kanya ng team — at mukhang totoo nga! Sa UAAP Finals pa lang ay nag-average na siya ng 14 pts, 9 rebounds, at 2.3 assists para patumbahin ang La Salle ni Kevin Quiambao sa three-game series. (RON TOLENTINO)
