SILANG, CAVITE — Tatlo ang kumpirmadong patay habang isa ang sugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa ang isang baraks ng mga construction worker sa boundary ng Sitio Cabangaan, Silang at Tagaytay City, nitong Huwebes, Hulyo 24, 2025.
Ayon sa Cavite Police Provincial Office (PPO), bandang alas-10:00 ng umaga nang bumigay ang isang perimeter wall sa loob ng construction site sa kasagsagan ng malakas na ulan, dahilan para matabunan ng lupa at debris ang tinutuluyang baraks ng mga manggagawa.
Kinilala ang mga biktima sa mga alyas na Jose, Nonong, Armond, at Mark, mga residente ng Brgy. Iruhin West, Tagaytay City.
Sa unang araw ng operasyon, isa ang nailigtas nang buhay at agad isinugod sa Ospital ng Tagaytay, habang isa naman ang nasawi sa mismong araw ng insidente.
Pagsapit ng tanghali ng Hulyo 25, matagumpay na narekober ang bangkay ng dalawa pang nawawalang biktima sa isinagawang retrieval operations alinsunod sa disaster response protocols.
Nagpaabot ng pasasalamat si PCOL Ariel R. Red, Acting Provincial Director ng Cavite PPO, sa lahat ng rumespondeng grupo sa operasyon, at sinabing mananatiling alerto ang kapulisan sa pagtugon sa mga sakuna.
Babala ng mga awtoridad: Iwasan muna ang paglapit sa lugar ng landslide dahil nananatili itong delikado at hindi ligtas. Maaari rin itong makasagabal sa clearing at safety inspection sa lugar. (Ulat ni ERICHH ABRENICA)
