Anim na katao ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Brgy. Bucana, Ternate, Cavite, bandang alas-7:00 ng umaga ngayong araw.
Ayon sa ulat, dalawang motor banca ang nagkaaberya habang may sakay na anim na indibidwal. Sa tulong ng isang concerned citizen na agad tumawag sa mga awtoridad, mabilis na nakarating ang PCG at naisalba ang lahat ng pasahero — ligtas at walang nasaktan.
Dahil sa mabilis at propesyonal na aksyon ng Coast Guard, naiwasan ang posibleng trahedya sa gitna ng laot.
Ayon sa PCG, patuloy nilang isinasagawa ang kanilang mandato na pangalagaan ang buhay at kaligtasan ng mga mamamayan sa karagatan.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang ahensya sa publiko na laging i-monitor ang lagay ng panahon at tiyaking maayos ang kondisyon ng bangka bago pumalaot. (Ulat ni ERICHH ABRENICA)
