Nalimitahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mas kaunti sa 20 Persons of Interest (POIs) ang paghahanap sa umano’y pumatay na kinausap ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay NBI Director Melvin Matibag sa pagpapatuloy ng impeachment trial ngayong Miyerkules, Hulyo 22, 2026.
Sa pagtatanong nina Senator-judge Joel Villanueva at Senate President Sherwin Gatchalian, inihayag ni Matibag na may hawak na silang mga pangalan at nakipag-ugnayan na rin sa mga pamilya at kakilala ng ilang sangkot.
Kabilang sa mga matinding binabantayan ng NBI ay ang mga “men in uniform” o aktibong miyembro ng militar at pulisya, kung saan isa sa mga nasa listahan ay miyembro mismo ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
BASAHIN: Record sa bangko, tax ni VP Sara at asawa, ipina-subpoena ng Senate Impeachment Court
Dahil dito, nananatili ang tiwala ng NBI Chief na pwedeng matukoy ang pinal na pagkakakilanlan ng diumano’y assassin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Bagama’t inamin ni Matibag na may posibilidad pa ring hindi pinal na matukoy ang hired killer paglipas ng anim na buwan, malaki ang kaniyang kumpyansa na magbubunga ng positibong resulta ang kasalukuyang imbestigasyon.
Ang usapin ukol sa assassination threat laban sa Pangulo, Unang Ginang, at dating House Speaker ay ang pangunahing batayan ng Article I sa Articles of Impeachment na inihain laban sa Bise Presidente.
