Puno ng pighati at galit na nanawagan ng katarungan at pananagutan ang isang ina sa Samar matapos pumanaw ang kaniyang 10-anyos na anak na si Dayne dahil sa sunod-sunod na kapabayaan at kawalan ng maayos na serbisyong medikal sa lalawigan.
Isinugod ang bata noong Sabado, Hulyo 12, 2026, sa isang pribadong ospital sa Catbalogan matapos ma-seizure, ngunit dahil walang Intensive Care Unit (ICU) ang pasilidad, pinuwersa ang pamilya na ilipat ang bata sa Tacloban City.
Dito na nagsimula ang kalbaryo ng pamilya nang singilin sila ng P15,000 para sa ambulansya, at nang humingi sila ng tulong sa gobyerno ay tinanggihan sila ng pampublikong ospital, LGU, at BFP dahil wala umanong available na mga driver.
Apat na oras na naghanap ng masasakyan ang pamilya bago nakabiyahe patungong Tacloban, at sa tulong na rin kanilang kapitbahay na nagsilbing ambulance nurse.
Subalit habang nasa biyahe, natanggal ang breathing tube ng bata dahil sa napakalubak na kalsada sa Samar.
BASAHIN: San Beda University sa Rizal binulabog ng ‘bomb joke’
Huminto pa ang ambulansya sa mga bayan ng Calbiga at Pinabacdao upang maghanap ng doktor na pwedeng magkabit uli ng tubo, ngunit walang available dahil araw ng Sabado.
Idineklarang Dead on Arrival (DOA) ang bata pagdating sa Tacloban matapos magbayad ang pamilya ng kabuuang P17,000 para sa biyahe at emergency services.
“Hindi lang sakit ang pumatay sa anak ko. Ang pumatay sa kaniya ay ang sistema, ang kapabayaan, at ang mga taong dapat sana ay nagligtas sa kaniya,” ang emosyonal na pahayag ng ina na nag-iwan ng malaking hamon sa Department of Health (DOH) at pamahalaang panlalawigan ng Samar.
Samantala, nilinaw ng Samar Provincial Government na sa pribadong ospital galing ang bata at nakabiyahe na para sa ibang pasyente ang dalawang ambulansya ng Samar Provincial Hospital nang humingi ng tulong ang pamilya.
