Pormal nang inilunsad ng Greenpeace Philippines katuwang ang National Anti-Poverty Commission – Victims of Disasters and Calamities Sectoral Council (NAPC-VDCSC) ang pananaliksik na “Here Comes the Sun: Climate Justice-based Recommendations for Protecting Communities From Extreme Heat” sa B Hotel.
Binigyang-diin sa nasabing ulat ang mga malalaking butas at kakulangan sa kasalukuyang mga polisiya at pamamahala ng gobyerno na nagpapabagal sa pagtugon ng bansa sa matinding banta ng extreme heat.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng temperatura sa bansa, inihayag ng grupo na ang mga maralita at climate-sensitive—tulad ng mga mangingisda at pormal na manggagawa—ang pangunahing nagpapasan ng mabigat na epekto ng krisis sa klima.
Dahil dito, nagpanukala ang ulat ng mga estratehikong hakbang upang palakasin ang kakayahan ng mga lokal na komunidad na makaangkop at makabangon mula sa epekto ng matinding init.
Pangunahin sa mga isinusulong na rekomendasyon ng ulat ang mabilisang pagpapatibay sa House Bill 4420 o ang Climate Accountability Bill (CLIMA Bill) sa Kongreso.
Layunin ng panukalang batas na ito na tiyakin ang pananagutan ng mga malalaking kumpanya ng fossil fuel at magkaloob ng climate justice para sa mga mamamayang direktang pinapinsala ng mga kalamidad at pagbabago ng panahon.
