PORMAL nang nagtulungan ang Meralco Power Academy (MPA), ang energy education arm ng Manila Electric Company (Meralco), at ang National Transmission Corporation (TransCo) upang palakasin ang workforce development sa sektor ng enerhiya sa bansa.
Pinirmahan ng mga pangunahing opisyal ng MPA at TransCo ang isang memorandum of understanding (MOU) na naglalatag ng strategic collaboration sa pagdisenyo at pagpapatupad ng mga training program para sa Continuing Professional Development (CPD) ng power sector. Kabilang dito ang mga short course, capability development projects, at talent pipeline programs na layong palalimin ang kasanayan ng mga manggagawa.
Ayon kay TransCo President Fortunato Leynes, mahalaga ang naturang kasunduan para sa industriya at patunay ito ng matibay na suporta ng parehong ahensya sa pagpapalago ng technical expertise. Pinuri rin niya ang Human Resource Management and Development Division (HRMDD), sa pamumuno ni VP Maria Theresa L. Laranang, sa kanilang patuloy na pagsisikap sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga empleyado.
Ipinaliwanag naman ni Meralco Executive Vice President at Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho, na siya ring pangulo ng MPA, na ang kooperasyon ng dalawang institusyon ay magbibigay-daan sa mas mataas na antas ng pagsasanay, pagpapalitan ng impormasyon, at inobasyon.
“Ang partnership na ito ay pagsasanib ng pambansang mandato ng TransCo at espesyalisadong tungkulin ng MPA sa training at development. Isa itong synergy na makakaapekto nang konkreto sa reliability, resiliency, at human capital development sa ating energy sector,” ani Aperocho.
Layunin ng kasunduan na magtatag ng mas istrukturadong ugnayan sa mga mahahalagang larangan ng power distribution at iba pang aspekto ng energy landscape sa bansa. (MINA PADERNA)
