Matapos ang ilang araw na tagtuyot at hirap ng mga residente, tuluyan nang bumalik ang suplay ng tubig sa Barangay Tumana matapos maglabas ng P15 milyon si Mayor Maan Teodoro bilang paunang bayad sa Manila Water.
Personal na nagtungo si Mayor Maan kasama si Rep. Marcy Teodoro at mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod sa tanggapan ng Manila Water sa Tumana nitong Sabado, Disyembre 20, upang iabot ang tseke at tiyaking agad na maibalik ang serbisyo.
“Ngayong araw ay nagbayad tayo ng P15 million sa Manila Water bilang initial payment upang agarang ma-reconnect ang water services ng nasa 3,000 residente ng Barangay Tumana,” pahayag ni Mayor Maan.
Matapos ang bayaran, sabay-sabay na binuksan ang 13 water gate valves sa Tumana sa pangunguna ng mga opisyal ng lungsod at Manila Water, hudyat ng 100% restoration ng suplay ng tubig sa lugar.
Nauna nang ipinaalam ni Mayor Maan sa Manila Water, sa pamamagitan ng liham kay Ronan Abear, Business Operations Director ng Marikina Service Area, na ang P15 milyon ay inilaan bilang emergency humanitarian assistance.
Binigyang-diin ng alkalde na ang biglaang pagkawala ng tubig ay seryosong banta sa kalusugan, kalinisan, at dignidad, lalo na ng mga bata, senior citizens, at may sakit.
““No family should be deprived of this basic necessity, especially during a season meant for dignity, care, and hope,” diin ni Mayor Maan.
Ayon kay Rep. Marcy Teodoro, noong siya pa ang alkalde ng Marikina, nagbayad na ang lungsod ng P8.8 milyon upang bawasan ang utang ng Tumana sa Manila Water.
“Noong ako ay mayor, P20 million pa lang ang utang ng Tumana. Nagbayad kami ng P8.8 million para hindi maputol ang tubig. Kaya nakakapagtaka kung bakit halos P40 million na ito ngayon,” ani Teodoro.
Sa datos, umabot na sa P37,192,199.98 ang utang ng Barangay Tumana ngayong buwan dahilan ng water disconnection noong Disyembre 18.
Mariing iginiit ni Mayor Maan na may pananagutan ang mga opisyal na nagpabaya at hinayaang lumobo ang utang.
“Hahanapin at papanagutin natin ang mga responsable. May mananagot, at sisiguruhin nating hindi na ito mauulit,” babala ng alkalde. (Arnold Pajaron Jr)
