“Masdan mo ang kapaligiran, masdan mo ang kalikasan.”
Ito ang naalala natin sa kantang “Masdan Mo ang Kapaligiran” ng bandang ASIN sa tuwing nilulubog ng baha ang ilang bahagi ng ating bansa dulot ng matinding bagyo.
Pero nagpapasalamat tayo na sa bawat pag-ulan, sa bawat bagyong dumaraan e isang tahimik na bayani na siyang palaging sumasalo sa hagupit ng kalikasan upang protektahan ang milyong-milyong Pilipino sa Luzon.
Ang ating tinutukoy ay ang Sierra Madre.
Ang nakakalungkot lang na sa kabila ng kanyang kabayanihan, patuloy itong sinasaktan ng mga sakim sa pera. Kinakalbo nila ang kabundukan sa ngalan daw ng “kaunlaran” kuno. Pwe!
Gaano pa katagal natin titiisin ang ganitong kalupitan?
Ang Sierra Madre ay hindi lamang isang bundok dahil ito ay buhay na kalasag laban sa sakuna. Kung wala siya, marahil ay mas marami ang nilubog sa baha at mas marami ang nawalan ng tahanan dulot nga nitong bagyong Uwan.
Naku ha!
Kailangan itigil na ‘yang walang habas na pagmimina at pagtotroso. Panagutin ‘yang mga buwayang opisyal na nagbubulag-bulagan kapalit ng pansariling pakinabang. At higit sa lahat, kailangang muling gisingin ang malasakit ng bawat Pilipino.
Ang pagprotekta sa Sierra Madre ay hindi lamang laban ng mga environmentalist, ito ay laban nating lahat. Dahil kapag tuluyang bumigay ang napakahabang bulubundukin na ito, sino pa ang sasalo sa atin? ‘Yun lamang po.
