Ulat ni Arsenio Tan
INANUNSIYO ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na handa nang muli ang Masbate Airport na mag-operate at tumanggap ng mga flights at pasahero matapos ang pinsalang idinulot ng Bagyong Opong.
Ayon kay CAAP spokesman Eric Apolonio, umabot sa ₱10–₱15 milyon ang tinamong structural damage ng paliparan, ngunit agad nagsagawa ng clearing at safety measures upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero.
Kasunod ng inspeksyon ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez noong Sabado, Setyembre 27, tiniyak ng CAAP na sapat na ang supply para sa mga repair at pinalakas pa ang kanilang standby inventory para sa mga darating na pangangailangan.
“Idineklarang ligtas gamitin ang Passenger Terminal Building. Tinanggal na ang mga debris at hazardous materials sa kisame, may temporary roofing na rin, at balik na ang kuryente at internet connectivity,” ani Apolonio.
Dagdag niya, bagama’t handa na ang pasilidad, ang pinal na desisyon sa pagbabalik ng mga flights ay nakasalalay pa rin sa mga airline companies.
Tiniyak naman ng CAAP na patuloy nilang ipatutupad ang mga kinakailangang improvement para sa ligtas, maaasahan, at episyenteng air travel, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (ARSENIO TAN)
