ITINALAGA ng Malacañang si dating Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin Jr. bilang bagong special adviser at imbestigador ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), kapalit ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagbitiw nitong nakaraang linggo.
Inanunsyo ng Palasyo ang pagtatalaga nitong Lunes, Setyembre 29, tatlong araw matapos isumite ni Magalong ang kanyang resignation.
“Kumpiyansa ang administrasyon na higit pang mapapalakas ni General Azurin ang mandato ng Commission para tiyakin ang pananagutan at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan,” ayon sa pahayag ng Malacañang.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang Palasyo kay Magalong sa kanyang “tapat na paglilingkod at kontribusyon” sa integridad ng ICI at laban kontra katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Ang pagbibitiw ni Magalong ay kasunod ng mga agam-agam sa posibleng conflict of interest bunsod ng kanyang sabayang tungkulin bilang alkalde at ICI adviser. Mariin naman itong itinanggi ni Magalong:
“Walang conflict of interest sa aking trabaho. Ang aking paglilingkod—bilang mayor at bilang bahagi ng ICI—ay ginabayan palagi ng integridad at tapat na serbisyo.”
Mauupo si Azurin na may dalang mahabang karanasan sa law enforcement.
Naging PNP chief siya mula Agosto 1, 2022 hanggang Enero 5, 2023, bago magretiro noong Abril 2023.
Kilala siya bilang PMA “Makatao” Class of 1989 graduate at naging provincial director ng Benguet police, pinuno ng Task Force Limbas ng HPG, at dating deputy operations officer ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
