SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Maan Teodoro ang konstruksyon ng Phase 2 ng Concepcion Dos Super Health Center, matapos ang matagal na pagkaantala sa pondo mula sa Department of Health (DOH).
Habang humaharap si DOH Secretary Ted Herbosa sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), abala naman si Mayor Maan sa pagpapatupad ng pangakong ituloy ang proyekto gamit ang sariling pondo ng lungsod.
Ayon sa alkalde, inatasan na niya si Arch. Raymond Aquino ng City Architectural Office na simulan agad ang trabaho sa site, katuwang ang City Engineering Department.
Makikita na sa lugar ang backhoe, dump trucks, at iba pang heavy equipment na na abala sa clearing operations kung saan tinatanggal ang mga damo, basura, at inaayos ang paligid bilang paghahanda sa aktwal na konstruksyon sa Lunes, Oktubre 20.
“Ibig sabihin po, by admin na ang construction — equipment, materials, workers, provided na lahat ng city government,” ani Mayor Maan, sabay giit na wala nang third-party contractor na hahawak sa proyekto.
Ang Concepcion Dos Super Health Center ay planong gawing apat na palapag na multi-specialty building na magbibigay ng serbisyong medikal at may Autism Center para sa mga batang may special needs.
Matatandaang noong Oktubre 15, nang mag-inspeksyon ang DOH, puro damo ang nakita sa lugar dahil matagal nang walang pondong inilaan para sa Phase 2 ng proyekto.
“Noong unang nag-inspect ang DOH, ang nakita lang nila mga dahon-dahon kasi super tagal na namin nire-request sa kanila na pondohan ang second phase. Pero walang tugon ang DOH,” paliwanag ni Mayor Maan.
Dagdag pa ni Mayor Maan, tuloy-tuloy na ngayon ang konstruksyon.
“Ngayong araw, tuloy-tuloy na ulit ang konstruksyon ng ating Super Health Center. May backhoe, dump trucks, at vacuum trucks na dineploy sa site. Makikita na talagang 100 percent complete na ang Phase 1. Nandoon na ang malaking concrete slab,” aniya.
At sa panibagong sigla ng proyekto, tiniyak ni Mayor Maan na tapat ang Marikina sa pangako nito.
“We are true to our words and commitment. Pangako ‘yan ng Marikina at tinutupad natin. Sa Marikina, kapag sinabi, ginagawa,” pahayag ng alkalde.
Sa liham na ipinadala ng lungsod kay Herbosa noong Oktubre 9, iginiit ng city government na itutuloy nila ang proyekto gamit ang sariling pondo matapos ang matagal na pananahimik ng DOH. (ARNOLD PAJARON JR)
