Buo ang loob at taas-noong nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino na huwag matakot, huwag umatras, at huwag mawalan ng pag-asa — habang kinakaharap ng bansa ang panibagong tatlong taon ng kanyang panunungkulan.
Sa pagtatapos ng kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 28, iniwan ni Marcos ang madla sa isang mensaheng puno ng pag-asa, determinasyon, at tapang.
“Huwag tayong matatakot. Huwag tayong titiklop. Huwag tayong mawawalan ng pag-asa,” mariing wika ng Pangulo.
Bagama’t nangakong mas marami pa siyang magagawa sa nalalabing tatlong taon sa puwesto, inamin ni Marcos na hindi magiging madali ang lahat. Hindi raw laging maaliwalas ang daan patungo sa progreso.
Ngunit sa kabila ng lahat, tiniyak niyang hindi mag-iisa ang mga Pilipino.
“Sa mga matitinding hamon na binabato ng mundo, nasa likod ninyo ang pamahalaan,” aniya.
Sa huling bahagi ng kanyang talumpati, binigyang-pugay ni Marcos ang katangian ng Pilipino—matapang, masipag, matalino, matatag, at may malasakit.
“Tayo ito. Tayo ang Bagong Pilipino,” wika niya.
Pinayuhan rin niya ang taumbayan na huwag padadala sa mga panggugulo o distraksyon na puwedeng humadlang sa pag-unlad.
“Huwag nating hayaang malihis ang ating pagtahak sa landas ng kaunlaran… kayang-kaya natin itong marating at maisakatuparan.”
Bitbit ang mga aral na nakuha umano mula sa taumbayan, sinabi ni Marcos na haharapin niya ang ikalawang hati ng kanyang termino nang may pusong busog sa karanasan at inspirasyon.
