Nilinaw ng Malacañang nitong Biyernes na walang kaugnayan ang napaulat na lamat sa relasyon nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ng kanyang nakatatandang kapatid na si Senador Imee Marcos sa kawalan ng presidential security detail para sa senadora.
Sa isang press briefing, itinanggi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang mga espekulasyon na pinagkakaitan ng seguridad ang senadora dahil sa kanilang hindi pagkakaunawaan.
“Wala po. Hindi po ganoon ang Pangulo. Kahit nga po kung anu-ano man ang sinasabi laban sa kanya ng sarili niyang kapatid, hindi po nagri-react ang Pangulo na negatibo sa kanyang kapatid. So, wala po. Wala pong kinalaman iyon,” ani Castro.
Lumutang ang isyung ito matapos ibunyag ni Presidential Security Command (PSC) commander Rear Admiral Andro Val Abayon sa isang hearing ng Commission on Appointments (CA) noong Miyerkules na walang PSC personnel na kasalukuyang nakatalaga kay Senador Imee. Ayon kay Abayon, nang maupo siya sa pwesto noong Nobyembre 2025, nadatnan na niyang walang seguridad mula sa PSC ang senadora, habang ang isa pang kapatid ng Pangulo na si Irene ay mayroon naman.
Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na pangunahing tungkulin ng PSC na tiyakin ang kaligtasan ng mga kapatid ng Pangulo. Ayon kay Lacson, hindi dapat iasa sa desisyon ng senadora kung kailangan niya ng karagdagang seguridad dahil responsibilidad ng PSC kung sakaling may mangyaring masama sa kanya. Tiniyak naman ni Abayon na makikipag-ugnayan siya kay Senador Imee para sa paghahanda ng kanyang security teams. Nang tanungin ni Senador Jinggoy Estrada kung ano ang gagawin niya sakaling mismong ang Pangulo ang humarang sa deployment ng seguridad, sumagot ang PSC chief ng, “I will cross the bridge when I get there.”
