Nanindigan ang Malacañang na hindi makakasama sa imahe ng Pilipinas sa mata ng pandaigdigang komunidad ang nagpapatuloy na proseso ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pahayag na ito ay inilabas sa gitna ng mga diskusyon tungkol sa posibleng epekto sa diplomasya at legal na aspeto ng bansa habang tinatalakay ng ICC ang mga alegasyong “crimes against humanity” na may kaugnayan sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa isang press briefing noong Pebrero 27, binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang mga huling kaganapan ay nagsisilbing senyales na hindi kinukunsinti ng kasalukuyang administrasyon ang anumang uri ng pagkakamali o pang-aabuso.
Ayon kay Castro, “Sa ngayon ay hindi naman po nagiging isyu ito dahil malamang ang makikita lang ng ibang bansa sa bansang Pilipinas ay hindi po nagto-tolerate ng anumang kriminalidad, hindi po nagto-tolerate ng anumang pang-aabuso.”
Dagdag pa ng opisyal, ang kasalukuyang posisyon ng pamahalaan ay nakaugat sa pagpapatupad ng “rule of law” o ang pananaig ng batas. Ipinaliwanag ni Castro na mas gugustuhin ng mga nagmamasid na makitang ang Pangulo at ang buong administrasyon ay hindi pabor sa mga taong umaasta na tila sila ay mas mataas pa sa batas.
Aniya, “Kung ang isang tao ay mag-iisip, kung ano ba ang ginagawa ng Pangulo at ng administrasyon na ito, mas gugustuhin po nila ang nangyayari ngayon, dahil ang Pangulo umaayaw sa abuso, umaayaw sa mga feeling above the law. So, doon lamang po, siguro hindi po magkakaroon ng anumang isyu ito sa ating administrasyon dahil tumutupad lamang po ang Pangulo sa batas.”
