Nagpahayag ng pagkadismaya ang relihiyosong grupong Iglesia ni Cristo (INC) nitong Biyernes dahil sa bagal ng aksyon ng pamahalaan hinggil sa kontrobersiya sa pondo ng flood control sa bansa.
Ayon sa grupo, tatlong buwan na ang lumipas mula nang manawagan sila ng konkretong hakbang laban sa korapsyon, ngunit wala pa ring malinaw na resulta ang mga imbestigasyon.
Sa isang video statement na ipinaskil sa Facebook page ng Net 25, binigyang-diin ni Brother Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC, na hindi dapat balewalain ang mga lumalabas na testimonya tungkol sa maling paggamit ng kaban ng bayan.
“Mahigit na tatlong buwan na ang lumipas subalit wala pa ring natatanaw ang mamamayan na kalutasan sa napakalaking pangungulimbat sa kaban ng bayan,” pahayag ni Zabala.
Pinuna rin niya na tila ang mga nagbibigay ng impormasyon at tumetestigo pa ang ginigipit at kinakasuhan sa halip na ang mga tunay na salarin ang usigin ng batas.
Ayon kay Zabala, hindi pa rin natutunton kung saan napunta ang mahigit isang trilyong pisong inilaan para sa mga flood control projects at iba pang pampublikong gawain dahil sinusubukan umanong ilihis ang isyu ng mga dapat na nag-iimbestiga rito.
Bilang tugon, tiniyak ni Palace Press Undersecretary Claire Castro na ang mga kasong may kaugnayan sa naturang proyekto ay nasa kamay na ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Ombudsman.
“Nasa Ombudsman at DOJ na ang ibang nairekomendang kaso. Hintayin na lang po natin kung ano ang magiging resolution nila. ‘Yan po ang tinatawag na rule of law at due process,” ani Castro.
Iginiit ng Malacañang na sumusunod ang administrasyon sa tamang proseso kaya’t nararapat na hintayin na lamang ang magiging pinal na desisyon ng mga ahensya.
