Binigyang-diin ni Nicholas Kaufman, ang defense lawyer ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), na walang matibay na ebidensyang nagdadawit sa kanyang kliyente sa pagpatay kina Leyte Mayor Rolando Espinosa, Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog, at Benjamin Visda.
Sa huling araw ng confirmation of charges hearings ngayong Biyernes, ipinaliwanag ni Kaufman na ang partisipasyon ni Duterte sa kaso ni Espinosa ay natapos matapos itong sumuko noong Agosto 2016.
Ayon kay Kaufman, nagbigay lamang ng 24-oras na ultimatum ang dating pangulo para sumuko si Espinosa at pinuri pa ito nang sumunod sa batas.
Ang pagkamatay nina Espinosa at Raul Yap sa loob ng Baybay City Provincial Jail ay wala na umanong kinalaman kay Duterte at walang saksi na makapagpapatunay ng kabaligtaran.
Kaugnay naman sa pagkamatay ni Parojinog noong 2017, iginiit ng depensa na ang operasyon ay may kaukulang judicial search warrants, na nagpapakitang hindi ito isang planadong pagpaslang kundi isang legal na operasyon ng pulisya kung saan nauwi sa palitan ng putok.
Dagdag pa ni Kaufman, wala ring basehan ang pag-uugnay kay Duterte sa pagpatay kay Benjamin Visda dahil hindi umano kilala ng dating pangulo ang biktima at hindi rin siya ang nag-utos ng naturang operasyon.
Pinabulaanan din ng abogado ang hinuha ng prosekusyon na ang terminong “high-value target” (HVT) ay code para sa pagpatay; aniya, ito ay isang operational classification lamang para sa prayoridad ng mga anti-drug operations batay sa intelligence reports.
Sa panig naman ng prosekusyon, iginiit ni Senior Trial Lawyer Julian Nicholls na sina Espinosa at Yap ay minarkahang “neutralized” sa listahan ng gobyerno hindi sa araw ng kanilang pagkaaresto, kundi sa mismong araw na sila ay pinatay.
Sa kasalukuyan, nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity (murder at attempted murder) sa ICC, kabilang ang mga insidente sa ilalim ng “National Network” noong 2016 hanggang 2017 na kinasangkutan ng 14 na biktima.
