Nakatakdang magtungo ang Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ngayong Lunes, Enero 26, upang saksihan ang pormal na pagtanggap ni House Secretary General Cheloy Garafil sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang pahayag nitong Linggo, nagpahayag ng pag-asa ang koalisyon na wala nang magiging “dahilan” o anumang balakid sa panig ng Kamara para tanggapin ang reklamo at ituloy ang proseso ng pananagutan.
Matatandaang unang naghain ng ikalawang impeachment complaint ang Makabayan bloc noong Enero 22, ngunit wala sa kanyang tanggapan si Garafil upang tanggapin ito dahil nasa Taipei siya para tumanggap ng isang parangal mula sa foreign ministry ng Taiwan.
Sa kabila nito, iginiit ng dating mambabatas ng Bayan Muna na si Neri Colmenares na itinuturing na nilang “filed” o naisumite na ang reklamo. Ayon sa kaniya, hindi naman hinihingi sa 1987 Konstitusyon na kailangang personal na tanggapin ng Secretary General ang dokumento, bastat ito ay isang verified complaint mula sa mga mamamayan at may kaakibat na endorsement.
Inaasahan ng grupo na ngayong Lunes ay pormal nang itatransmit ni Garafil ang reklamo kay House Speaker Bojie Dy.
Ang ikalawang impeachment complaint laban sa Pangulo ay nakasentro sa akusasyon ng betrayal of public trust bilang batayan ng pagpapatalsik sa kanya sa tungkulin.
Partikular na tinukoy ng mga complainant ang pananagutan ni Marcos sa National Expenditure Program na ginagamit sa alokasyon ng infrastructure budgets na kasalukuyan ngayong iniimbestigahan dahil sa mga anomaliya.
Binigyang-diin din ng mga petitioners na dapat managot ang Pangulo sa paggamit ng mga unprogrammed appropriations dahil ang paglalabas ng naturang mga pondo ay nangangailangan ng kanyang direktang lagda.
