Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes ang mas pinalakas na kampanya nito para sa mabilis na career advancement sa mga pampublikong paaralan matapos saksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panunumpa ng 2,915 na mga bagong promoted na guro at school leaders mula sa National Capital Region.
Saklaw ng seremonya ang promosyon sa mas matataas na ranggo gaya ng Teacher III hanggang VII, Master Teacher II hanggang V, at Principal II hanggang IV, na bahagi ng mga repormang naglalayong linisin ang matagal nang backlog sa promosyon sa kagawaran.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pag-angat sa posisyon ng mga edukador ay repleksyon ng pagkilala ng pamahalaan sa kanilang mahalagang papel sa paghubog ng nasyon, kung saan binigyang-diin niya na ang pagtuturo ay may mga responsibilidad na lumalagpas sa loob ng silid-aralan.
Pinangunahan naman ni Education Secretary Sonny Angara ang panunumpa at tiniyak na binibigyang-priyoridad ng administrasyon ang mga guro sa pamamagitan ng mga konkretong reporma na sumisiguro sa kanilang dignidad, paglago, at pangmatagalang career prospects.
Sa ulat ng DepEd, nasa 2,186 na edukador ang na-promote sa pamamagitan ng natural vacancies habang 729 naman ang umangat sa ilalim ng Expanded Career Progression framework na nagpapahintulot ng merit-based promotion lampas sa plantilla limits.
Ang naturang inisyatiba ay nakaangkla sa Career Progression for Public School Teachers and School Leaders Act of 2025 na naglalayong gawing institusyonal ang isang structured at competency-based system sa buong bansa.
Dumalo rin sa mahalagang okasyon sina Makati Mayor Nancy Binay at iba pang opisyal ng pamahalaan upang magpakita ng suporta sa sektor ng edukasyon.
